Development patuloy na isinasagawa
Tuloy-tuloy ang development ng Phase 1 ng STAR Tollway- Pinamucan By-pass Road na sinimulan noong Nobyembre ng nakaraang taon at inaasahang matatapos sa loob ng dalawang taon.
Ayon kay Pastor Ramos, foreman ng proyekto, humigit-kumulang sa 1.5 kilometro na ang kanilang napatag na karsada. Kasama na aniya rito ang pagbubutas ng karsada sa Barangay Tinga Itaas at pagtatambak ng lupa upang maging pantay-pantay ito.
“Hindi pa po kami nakakapag-buhos ng semento sapagkat medyo nagkaroon tayo ng delay dahil sa sama ng panahon.Pero tingin ko naman on-schedule pa rin po ang project,” ani Ramos.
Bukod dito, kasama rin aniya sa Phase 1 ang paggawa ng tulay na tatawid sa ilog ng Calumpang at magdudugtong sa Tingga at mga barangay ng San Pedro, Dalig, Dumantay, Sampaga, Dumuclay, Sirang Lupa, at Libjo. Ang tulay ay may haba na 179 metro samantalang ang buong Phase 1 ay may habang 10.3 kilometers.
Ang Phase 2 naman ng proyekto ay mula sa Sirang Lupa, San Isidro, Mahabang Dahilig, Tabangao Ambulong, Tabangao Dao, Pinamucan Proper hanggang Pinamucan Ibaba at may haba naman 8.4 kilometro.
Ang STAR Tollway Pinamucan By-pass Road project ay mayroong initial budget na P150 milyon. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Batangas City Government at ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang city government ang sumagot sa pagbili ng right of way upang mapabilis ang proyekto samantalang ang DPWH ang bahala sa concreting ng karsada.
Magugunita na noong nakaraang taon ay binisita ni DPWH Secretary Mark Villar ang status ng nasabing proyekto at nangako ng karagdagang pondo para dito sapagkat nakita niya na malaki ang idudulot nito hindi lamang sa pagluluwag ng trapiko kundi sa kaunlaran ng lungsod.