Magandang production numbers ipinakita sa opening ng USCAA games
11 photos 8 hours ago
Magandang production numbers ipinakita sa opening ng USCAA games BATANGAS CITY- Idinaos ang opening ng Universities, Schools, Colleges Athletic Association (USCAA) meet sa Batangas City Sports Coliseum kung saan sa pamamagitan ng mga production numbers, ipinakita ang pagkakaisa at magandang ugnayan ng mga paaralan upang maitaguyod ang sports development sa campus. Ang USCAA na nasa ika-21 taon ay sinimulan noong 1996 nina ng dating kura paroko ng Basilica of the Imamaculate Conception at honorary chairman at founder na si Msgr. Rafael Boy Oriondo, katulong ang mga sports coordinators ng anim na eskwelahan: Batangas National High School, Golden Gate Colleges, Lyceum of the Philippines University Batangas, Batangas State University, University of Batangas at Saint Bridget College. Ngayon ay may 15 kolehiyo at unibersidad ng kasapi ang USCAA. Kasama na rin dito ang Sta. Teresa College ng Bauan, Our Lady of Caysasay Academy ng Taal, STI, Divine Child Academy, Scuola Maria, Sovereign Shepered School Value & Learning, Westmead International School, Batangas Christian School at Colegio ng Lungsod ng Batangas.
Sa mensahe ni Mayor Beverley Dimacuha, pinuri niya ang opening program ng USCAA 2017 at natutuwa siya na naging host ngayong taon ang Colegio ng Lungsod ng Batangas. ipinaabot niya ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng sports at sinabing mananatili ang suporta ng pamahalaang lungsod sa ganitong gawain. “Naniniwala ako na di lamang sa aspeto ng akademiko dapat magaling ang ating mga mag-aaral bagkus ay patuloy tayo gumawa ng hakbangin na mag sisilbing oportunidad na mahasa rin ang inyong kakayahan sa ibang larangan tulad ng sports,” sinabi niya. Ayon naman kay Msgr. Rafael Oriondo, iba ang USCAA sa ibang sports organizations dahil dito ay natuturuan ang mga players ng disiplina at wastong paglalaro habang nanatiling prayoridad ang kanilang pag-aaral. Ang mga laro aniya ng USCAA ay isasagawa sa iba’t ibang eskwelahan na may angkop na pasilidad. Sa pangunguna ng Colegio ng Lungsod ng Batangas(CLB) bilang host, sama samang nagsayaw ang mga dancers mula sa iba’t ibang paaralan ng “solidarity dance” sa saliw ng USCAA theme song na “Palarong Pinoy”. Ito ay sinalubong ng malakas na sigawan at palakpakan ng mga mag-aaral na manonood. Si Ricardo Guadez ang nanguna sa solidarity run at lighting of friendship torch at si Maria Louis Rodrigues ang nagbigkas ng oath of sportsmanship. Pinangunahan naman ni Mayor Dimacuha kasama ang 15 school presidents, directors at heads ang pagtataas ng USCAA flags. Isa sa naging highlight ng opening program ang Yell competition kung saan grand winner ang University of Batangas, 1st place ang Batangas State University at 2nd place ang Saint Bridge College. Tinanghal naman na Ms. USACA 2017 si Mari Jenzel Maranan ng St. Teresa College, 1st runner-up si Alysa Vernice Mosquera ng Our Lady of Caysasay Academy at 2nd runner-up si Fatima Haruna Adisa ng LPU Batangas. Sa huling bahagi ng programa pormal na binuksan ni Dr. Lorna Gapi, president ng CLB ang USCAA 2017 competition. (PIO Batangas City)