Muling umalingawngaw ang ganda ng mga awiting Pilipino sa Acosta-Pastor Ancentral House ng haranahin ng delegasyon ng pamahalaang lungsod si Miss Batangas City Foundation Day Sam Kyrin Alba Suarez kagabi
Ang delegasyon ay kinabibilangan nina Mayor Beverley Dimacuha, city officials, department heads, miyembro ng Batangas City Cultural Affairs Committee (CAC) at ilang punong barangay.
Umawit ng kundiman ang mga kawani ng City Assessors’ Office at ang konsorte ni Sam na si Miguel Babasa at ito naman ay tinugon ni Sam ng pagkanta ng isang popular na awiting PIlipino. Nagpaunlak din ng mga lumang awitin ang magkapatid na Tonying at Pitoy Pastor at ilang pang bisita.
Bukod sa pagkanta, ipinakita rin ni Sam ang kanyang husay sa pagsayaw kasama ang kapwa niyang miyembro ng Diwanis Dance Group ng Batangas State University.
Tunay na naging gabi ito ng mga naggagandahang dilag sa pagdalo ng mga naging Ms. Batangas City Foundation Day tulad nina Genny Pastor noong 1988; Francia Marcial- Babasa, 1995, Dr. Kate Concepcion,2001; at Ina Gonda noong 2010. Sina Dr. Concepcion at Gonda ay mga kamag-anak ni Sam.
Ipinaabot naman ng mga magulang ni Sam na sina Ronald at Lanie Suarez, ang taus pusong pasasalamat sa pagkakapili kay Sam na anila ay isang karangalan sa buong pamilya.
Patuloy na binubuhay ng pamahalaang lungsod ang harana bilang isa sa mga magagandang tradisyon ng mga Batangueño.