Ballet Philippines

                 Nagtanghal sa “Art in the Workplace”

BATANGAS CITY–    Mga magsasaka, labourers, guro, empleyado ng lokal na pamahalaan at mga estudyante ang nanood ng “Art in the Workplace” kung saan nagtanghal ang Ballet Philippines sa Batangas City Convention Center nitong May 22.

Ayon kay Carmencita Bernardo, Department Manager ng Cultural Exchange Department ng CCP, layunin ng naturang pagtatanghal na maipakita sa publiko partikular sa mga kawani ng gobyerno ang kahalagahan ng sining at mahikayat ang mga ito na maging malikhain.

Ang “Art in the Workplace o Sining sa Tanggapan ay sinimulan noong taong 2012 bilang outreach program ng CCP at nakapagtanghal na sa may 17 national agencies sa Maynila.

Hindi aniya lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na makapanood sa CCP kung kayat minabuti nila na dalhin ang kanilang performing groups sa ibat-ibang lugar.

Ngayong taong ito ay sinimulan nila ang pagbisita sa mga lungsod. Nauna na nilang pinuntahan noong Abril ang Binan City at San Pedro City sa Laguna.

Ang presentation ay may dalawang kategorya, ang classical ballet at modern ballet.

Nagkaroon din ng open forum pagkatapos ng pagtatanghal sa pangunguna ng Company Manager ng Ballet Philippines na si Rhia Bautista. “We feel so honored to share this kind of art to the Batanguenos,” sabi ni Bautista.

Payo ng mga myembro ng Ballet Philippines sa mga kabataan na idevelop ang kanilang talentong taglay at magkaroon ng tiyaga at passion upang matupad ang kanilang pangarap.

Sa mensahe ni Mayor Beverley Dimacuha na kinatawan ni Atty Reginald Dimacuha, ipinaabot nito ang taos pusong pasasalamat sa CCP sa pagkakapili sa Batangas City upang pagdausan ng naturang pagtatanghal at sa pagkakadeklara dito bilang Regional Arts Center sa CALABARZON. Ipinagmalaki din nito na ang lungsod ang tanging local government unit na kapartner ng CCP sa regional arts program nito.

Ang “Art in the Workplace” ay itinanghal sa pakikipagtulungan sa Batangas City Cultural Affairs Committee (Ronna Endaya Contreras).

 

the noblest motive is the greatest good for the greatest number