First place at Best in Live Performance
Ipinakita ng St. Bridget College ang values na pinapahalagahan nito sa klase ng advertising competition na isinagawa ng mga senior high school students ng paaralan sa kanilang Accountancy, Business and Management (ABM) Day . Sa halip na produkto o negosyo ang ina advertise ay ang mga local non-government-organizations (NGOs) na nangangalaga sa mga kapos palad ng mga kabataan ang naging paksa.
Ang kumpetisyon ay may temang “ABM Day 2018, Advertising the Bridgetine Magic! Share the Love”. Ito ay may dalawang kategorya-ang creative presentation in video at live performance na nagpapakita ng mga proyekto ng anim ng NGOs at ang pagmamahal na ipinadadama ng mga ito sa mga kabataang kanilang kinakalinga.Ang mga NGOs na ito ay ang Gabay sa Kaunlaran ng Batangas Inc. (GKBI) na itinatag ni Lolita Maligalig at nagpapatupad ng feeding program at livelihood training; St. Bridget Community Center na itinatag noong 1972 upang tumulong sa mga mahihirap na kabataan na makapag-aral at mga kababaihang biktima ng pag-aabuso; Workability Skills Center Foundation Inc. (WSCFI) na nagbibigay ng edukasyon sa mga batang may kapansanan para maiangat ang kanilang kakayahan at mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng magandang buhay; Bahay Pag-Asa ng Pamahalaang Panlalawigan na kumakalinga sa kabataang naligaw ng landas; Cancer Warriors Foundation na tumutulong sa pagpapagamot ng mga batang may kanser; at ang Lingap Pangarap ng mga Paslit Center Inc. (LPPCI), na nagbibigay ng maagang edukasyon sa mga bata para sila ay lumaking mabuti at produktibong mamamayan ng lipunan.
Ipinamalas ng mga estudyante ang kanilang husay sa paggawa ng video presentation at galling sa pag-arte, pagkanta, pagsayaw, spoken poetry at sa iba pang larangan ng sining sa kanilang live performances.
Nagtagumpay ang mga estudyanteng maipahayag ang mensahe ng pagmamahal sa mga kapospalad sa kanilang makabagbag damdaming presentations.
Ayon kay Kristine Lei Ilagan, chairperson ng ABM Business Association of Raring and Compassionate Optimizers Determined to Enrich the Society (BARCODES) na siyang nangasiwa ng ABM Day, ipinapakita ng kumpetisyon ang pagiging tunay na Bridgetine na nagkakaisa para sa kabutihan ng lahat. Nais aniya nilang maiangat ang kamalayan ng mga mag-aaral na may mga organisasyon na tumutulong sa mga taong nangangailangan ng kalinga at mahikayat ang suporta ng mga ito sa ganitong layunin. “Hindi po puro produkto at negosyo ang ABM, ito ay bridge po ng Humanity and Social Sciences (HUMSS), Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) product para makarating sa humanity. Ang nais po namin dito ay makatulong at maibahagi ang pagmamahal sa kapwa na siya rin pong misyon ng SBC, “ dagdag pa ni Ilagan.
Nakuha ng St. Bridget Community Center ang first place at Best in Live Performance. Ito ay produksyon ng HUMSS 2 at STEM 2 students. Tumanggap ang Center ng P15,000.00 na cash prize. Naging 2nd place winner naman ang GKBI na produksyon ng mga mag-aaral ng STEM 3 at STEM 10. Sila ay tumanggap ng P10,000.00. Pang third place at Best in Creative Presentation in Video ang nakuha ng Bahay Pag-Asa ng mga mag-aaral ng STEM 4 at STEM 9. Tumanggap sila ng P5,000.00 cash prize. Ang mga hindi nanalo ay tumanggap ng tig P3,000.00 consolation prize.
Inilunsad din ng mga estudyante ang Reveuse (French word na nangangahulugan ng “dreamer”) T-shirts na ibebenta nila at ang proceeds ay ibibigay sa mga street children at iba pang batang higit na nangangailangan.