Waterworks project para sa mga relocatees sa Brgy. Tulo pinasinayaan
May 460 kabahayan ang makikinabang sa ikatlong waterworks project sa barangay Tulo West na pinasinayaan nina Congressman Marvey Mariño at Mayor Beverley Dimacuha noong nakaraang Biyernes.
Ang tangke ng tubig na naglalaman ng 8,000 galon ng tubig na itinayo sa relocation site ng barangay ay magbibigay na sapat na suplay ng tubig sa mga residente dito kabilang na ang may 40 pamilyang na relocate dito mula Gulod Labac dahilan sa konstruksyon ng 3rd Bridge project.
Nagpasalamat si Punong barangay Digna Fajarito kina Cong. Mariño at Mayor Dimacuha sa pagkakaloob ng naturang proyekto para sa mga relocatees. “Salamat po sa inyo at lagi ninyong naaalala ang inilipat nating mga residente, hindi po magtatagal at magiging kanila na mismo ang lupang kanilang tinitirahan,” sabi ni Fajarito.
Nagpaabot rin ng pasasalamat si Punong Barangay ng Tulo Alvaro Perez sa malaking kaginhawaang maibibigay ng proyektong ito sa kanilang pang araw araw na pamumuhay.
Mula sa pamahalaang lungsod ay isinalin ang pamamahala ng proyekto sa pamunuan ng barangay, na isinalin naman sa mga opisyal ng Tulo West Rural Waterworks and Sanitation Association (TWRWSA).
Hiniling nina Cong. Mariño at Mayor Dimacuha na ingatan at alagaan ang proyekto para tuloy tuloy ang suplay ng tubig nito.
Tinugunan naman ng Officer In Charge president ng TWRWSA na si Estelito Atienza na makakaasa ang dalawang opisyal na aalagaan nila ang proyekto at magpapatupad ng mga alituntunin para sa mas maayos na pamamahala nito.
Sa kasalukuyan ay may 70 waterworks projects at 70 organized waterworks association sa 52 barangay sa lungsod kung saan mahigit sa 5,000 mamamayan ang nakikinabang dito.
Ang City Planning and Development Office (CPDO), City Engineer’s Office (CEO) at City Health Office (CHO) ang mga tanggapan na nagpapatupad at namamahala ng proyektong ito. (PIO Batangas City)